(NI DANG SAMSON-GARCIA)
PINAAMYENDAHAN ni Senador Koko Pimentel ang Centenarians Act of 2016 na nagbibigay ng P100,000 insentibo sa mga 100 taong gulang.
Sa kanyang Senate Bill 1178, isinusulong ni Pimentel na saklawin din ng batas ang mga 80-anyos at 90-anyos upang makatanggap din ang mga ito ng cash gift at pagkilala mula sa gobyerno.
Ipinaliwanag ni Pimentel na sa ilalim ng kasalukuyang batas, limitado lamang ang makatatanggap ng special benefit dahil iilan lamang ang umaabot sa 100 taong gulang.
Kung isasama anya ang 80-anyos at 90-anyos ay tiyak na mas marami pang makikinabang sa insentibo at matutulungan ng gobyerno.
Alinsunod sa panukala ni Pimentel, lahat ng edad 80, 90 at 100, naninirahan man sa Pilipinas o sa ibayong dagat ay tatanggap ng Letter of Felicitation mula sa Pangulo at cash gift bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng kanyang mahabang buhay.
Batay sa panukala, P20,000 cash gift ang ibibigay sa mga 80-anyos; P30,000 sa 90-anyos at P50,000 sa 100-anyos.
160