(NI ABBY MENDOZA)
PINAWALANG sala ng Sandiganbayan ang siyam na general ng Philippine National Police(PNP) na una nang kinasuhan ng graft at technical malversation dahil sa paggamit ng P10 milyon confidential fund bilang kanilang travel at contingency fund nang dumalo sa isang Interpol Assembly sa Russia noong 2008.
Sa 55-pahinang desisyon ng Sandiganbayan Second Division sinabi nito na nabigo ang prosekusyon na patunayan beyond reasonable doubt ang kasong isinampa laban kina dating PNP Comprotller Police Major General Eliseo Decena Dela Paz, at mga generals na sina Tomas Rentoy III, Ismael Rafanan, Orlando Pestaño, Samuel Rodriguez, Emmanuel Carta, Romeo Ricardo, German Doria at Jaime Garcia Caringal.
Kasabay ng pagbasura sa kaso ay iniutos din ng Sandiganbayan na ibalik ang kanilang bail bonds at alisin ang kanilang pangalan sa Hold Departure Order.
“The prosecution bears the burden to establish the guilt of the accused beyond reasonable doubt. It is the prosecution’s duty to prove each and every element of the sense charge in order to warrant a finding of guilt for the same. The prosecution failed to sufficiently establish the essential elements of the crimes charge and to overcome the presumption of innocence in favor of the accused. Accordingly, the case against the accused are hereby dismissed,” nakasaad sa desisyon.
Nag-ugat ang kaso noong 2008 nang makumpiska kay Dela Paz at asawa nito ang may 105,000 euros (P6.9M) at P2.9M na pawang hindi nila idineklara nang magtungo sila Russia kasama ang iba pang akusado para dumalo sa Interpol General Assembly.
Depensa ni dela Paz na travel at contingency fund ng kanilang delagasyon ang bitbit nilang pera subalit iginiit ng prosekusyon na ito ay confidential funds ng PNP.
Sa desisyon ng graft court sinabi nito na hindi napatunayan ng prosekusyon na nagkaroon ng undue injury sa gobyerno ang kaso dahil naibalik ang pera at walang ipinalabas na Notice of Disallowance gayundin ay napatunayan na isang official activity ang dinaluhang Interpol Assembly. Hindi rin umano napatunayan ng prosekusyon na ang ginastos ng mga heneral sa interpol assembly ay hindi covered expenses.
179