WALANG napala ang mga Filipino sa isang siglong pakikipag-alyansa sa Amerika dahil imbes na lumakas ang ating depensang militar ay lalo lang itong humina.
Ito ang pahayag nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Zarate at Eufemia Cullamat bilang suporta sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Amerika.
Ayon kay Zarate, pinakamahina ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa rehiyon ng Southeast Asia gayung nakasandal tayo sa pinakamalakas na puwersa sa buong mundo.“More than a century of over-dependence by our security sector with the US only made it still among the weakest in the region that cannot even put up a respectable and credible defense posture against the aggressiveness of China,” ayon sa mambabatas.
Napakarami aniyang military agreement ang dalawang bansa na kinabibilangan ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT), Mutual Logistics and Support Agreement (MLSA), Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at VFA subalit walang napala rito ang mga Filipino lalo na ang national security forces.
Kung talaga aniyang kaibigan ang turing ng Amerika sa Pilipinas, hindi nila pinabayaan ang AFP na maipagtanggol ang sariling soberenya at posibleng hindi naglakas ng loob ang China na agawin ang teritoryo natin sa West Philippine Sea.
“The Philippines is percieved as a long-time neocolonial client of the US, yet, the presence of these agreements did not deter China from converting our waters and shoals into its military garrisonand outposts in the West Philippine Sea (WPS),” ayon pa kay Zarate.
Ipinagtanggol naman ni Cullamat si Duterte sa kanyang desisyon na ibasura na nang tuluyan ang VFA dahil hindi naman umano talaga kailangan ito ng mga Filipino, sa halip ay ginagawang launching pad lamang ng Amerika kapag may pinapasukang giyera ang mga ito.
“Hindi naging mali ang direksyon sa termination ng VFA. Hindi natin ito kailangan dahil ito’y para sa interes lang ng US. Ang pangunahing problema natin sa bansa ay ang kahirapan at kagutuman ng mamamayang Filipino at hindi ito matutugunan ng VFA o anomang mga tratado sa US dahil walang programa na tunay na magpapaunlad sa mga local producer na tulad ng mga magsasaka at magtatayo ng pambansang industriya,”ayon pa kay Cullamat.
Gayunpaman, nagbabala ang dalawang mambabatas kay Duterte na huwag subukang palitan ng VFA sa China at Russia ang VFA sa Amerika dahil hindi makatatayo sa sariling paa ang AFP para ipagtanggol ang teritoryo ng bansa. BERNARD TAGUINOD
201