PANANAGUTIN na ang mga Private Employment Agency (PEA) na magdedeploy ng mga kasambahay na gagawa ng krimen tulad ng pagnanakaw at pananakit sa alagang bata.
Ito ang nakasaad sa House Bill (HB) 4477 na pinagtibay sa ikalawang pagbasa sa mababang kapulungan ng Kongreso upang protektahan ang mga employer na biktima ng mga kasambahay.
Base sa kasalukuyang batas o Republic Act (RA) 10361 na mas kilala bilang Kasambahay Law, inaatasan ang mga PEA na ipatupad ang standard requirements sa pagkuha ng kasambahay na idedeploy sa kanilang mga kliyente.
Kabilang dito ang medical certificate, clearance mula sa barangay, police at National Bureau of Investigation (NBI).
Gayunman, ginagamit umano ng mga kriminal ang mga PEA para mapalusutan ng mga magnanakaw o nananakit ng alagang bata.
“To safeguard the persons of the employers and their family in their abode against those who might use PEAs as vehicle in executing their criminal intentions by imposing greater responsibility and accountability from the PEAs,” ayon sa pinagtibay na panukala.
Nangangahulugan na kung anong parusa sa krimen na nagawa ng isang kasambahay sa kanilang kliyente ay siya ring ipapataw sa mga PEA o higit pa kapag hindi nakipagtulungan ang mga ito sa mga otoridad.
Sa kasalukuyan ay libre sa pananagutan ang mga PEA kapag nakagawa ng krimen ang kanilang idineploy na kasambahay. (BERNARD TAGUINOD)
301