MAHIGIT apat na kilo ng cocaine ang nasabat sa isinagawang joint anti-illegal drug interdiction noong Huwebes ng gabi, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon sa ulat, nakuha ng pinagsanib na mga elemento ng PDEA, NAIA- Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) Immigration Anti-Terrorist Group at Bureau of Customs sa bagahe ng nadakip na 29-anyos na Filipina ang 4,574 gramo ng cocaine na may street value na aabot sa P242,200.
Kinilala ni BI-ATG Head Bienvenido Castillo III ang Pinay drug courier na si Joy Dagonano Gulmatico, dumating sa NAIA 2 bandang alas-8:00 ng gabi mula Sierra Leone sakay ng Ethiopian Air flight.
Ayon sa report na isinumite ng PDEA Regional Office NCR, isinagawa ang joint operation sa Custom Exclusion Room, International Arrival Area, NAIA Terminal 3, sa Pasay City.
Tumambad sa isinagawang scanning ng Bureau of Customs x-ray inspector sa bagahe ng hinihinalang Pinay courier ang kahina-hinalang white powdery substance.
At nang isailalim ito sa K9 inspection ay natuklasang positibong naglalaman ang bagahe ng droga at kinumpirma ng mga tauhan ng PDEA na positibong cocaine ang puting pulbos na nakasilid sa dalawang bag.
Bunsod nito, kinumpiska ng mga awtoridad ang cellular phones, travel documents, at identification cards ng babae na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 ng Art. II ng RA 9165, o Importation of Dangerous Drugs na may kaparusahang life imprisonment at multang aabot sa P500,000 hanggang P10,000,000. (JESSE KABEL RUIZ)
31