AL HAJJ MURAD NANUMPA NA KAY DU30

aj

(NI CHRISTIAN DALE)

NANUMPA na kay Pangulong Rodrigo Duterte si Moro Islamic Liberation Front (MILF) chair Al Hajj Murad Ebrahim bilang interim Chief Minister ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Si Murad ang mamumuno sa 80-member Bangsamoro Transition Authority (BTA), na mamamahala sa Bangsamoro region hanggang sa makapagdaos ng eleksyon para sa regular members ng Parliament nito sa 2022.

Sa ceremonial confirmation ng Bangsamoro Organic Law Plebiscite Canvass Results at Oath-Taking Ceremony ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa Rizal Hall, Malakanyang Biyernes ng gabi ay nanumpa rin kay Pangulong Duterte ang iba pang miyembro ng BTA kabilang na ang kontrobersyal na si MILF Base Commander Abdurahman Macapaar alyas Kumander Bravo na nanguna sa pag-atake ng mga Muslim communities sa Lanao del Norte at North Cotabato noong 2008 matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD).

Nilikha ang BARMM makaraang maratipikahan ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sa isinagawang dalawang round ng plebisito, ang bagong BARMM ay bubuuin ng mga lalawigan ng Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi gayundin ng Marawi City, Lamitan City, Cotabato City at 63 barangay sa North Cotabato.

Base sa Bangsamoro Organic Law (BOL), otomatikong magiging miyembro ng BTA ang mga kasalukuyang opisyal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) hanggang mapaso ang kanilang termino sa June 30, 2019.

Ang BTA ay magsisilbing Interim Government para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) hanggang sumapit ang halalan sa 2022.
Sa kabilang dako, umaasa naman si Pangulong Duterte na sa pamamagitan ng pagkakaratipika ng BOL, matigil na rin ang mga karahasan sa Mindanao at makamit na ang inaasam na kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.

Samantala, sa isang panayam ay umamin si Abdurahman Macapaar o mas kilala bilang Commander Bravo na isa sa magiging miyembro ng BTA na ito ang unang pagkakataon na nakaapak siya sa Malakanyang kasama ang ilan pang base commander ng MILF.

“Yes this is my first time,” ani Commander Bravo.
Si Commander Bravo ay isa sa mga naglunsad ng pag-atake sa ilang komunidad sa Lanao del Norte noong Agosto 2008 matapos ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain noong panahon ng Arroyo administration.

 

166

Related posts

Leave a Comment