ALVAREZ HINAMON SA ‘VOTE BUYING’ SA SPEAKERSHIP

alvarez12

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINAMON ng Makabayan bloc sa Kamara si dating House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na maglabas ng ebidensya hinggil sa alegasyon nito na P500,000 hanggang P1 milyon ang ipinangako sa bawat kongresista para makuha ang boto ng mga ito sa speakership.

“Para sa amin, this is highly unethical, immoral and illegal,” ani ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio sa press conference sa Kamara nitong Miyerkoles, kaya dapat aniyang pangalanan ni Alvarez ang bumibili ng boto dahil masa-swak ito sa kasong “graft and corruption” kung sakali.

Hindi nagbigay ng karagdagang detalye si Alvarez kung sino ang namimili ng boto para makuha ang speakership sa 18th Congress.

Sa kasalukuyan, tatlo ang matunog na tumatakbo bilang Speaker sa katauhan nina Marinduque Rep. Lord Alan Velasco, Leyte Rep. Martin Romualdez at Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano.

“Usapin ito ng graft and corruption dahil isa sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno ay bibilhin so ang may problema dito ay both yung bumibili at saka yung tumatanggap lalo na kung members ng Kongreso ito,” ayon pa sa mambabatas.

Dahil dito, dapat aniyang i-detalye ni Alvarez ang kanyang alegasyon at pangalanan ang bumibili ng boto para maging Speaker upang masampahan ang mga ito ng kasong katiwalian.

Napakaseryoso aniya ng alegasyon ni Alvarez at ang imahe ng Kapulungan ang nakataya rito at sakaling mayroong ilantad na ebidensya si Alvarez ay naniniwala ang grupo na mayroong magsasampa ng kaso.

“Sa publiko sirang-sira na ang imahe ng Kongreso, eh lalong mako-confirm ang kabulukan ng institusyon ito (kung totoo na binibili ang posisyon ng Speaker),” ayon pa kay Tinio.

Sinabi naman ni Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao na kung totoo ang alegasyon ni Alvarez ay nagpapakita lamang umano ito na lalong binubulok umano ang Kapulungan ng iilang tao.

“Ang ganyang alegasyon ay nagpapakita kung gaano kabulok ang Kongresong ito at binubulok pa,” ayon pa kay Casilao.

130

Related posts

Leave a Comment