AMLC PINAKIKILOS SA CASH TRANSACTIONS NG SUSPECTED DRUG LORD

PINABEBERIPIKA ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang milyon-milyong bank transaction ng pinaghihinalaang drug lord na si Willie Ong na pinaniniwalaang umuwi na ng China matapos mabuko ang kanyang bodega na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 billion noong nakaraang taon.

Sa pagdinig ng House committee on dangerous drugs, sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na nakakuha ang mga ito ng bank transaction umano ni Ong na mula sa kanyang mga gasolinahan.

“Kung gasolinahan lang ang pinagmulan ng mga money transfer na ito, medyo kaduda-duda dahil hindi naman kalakihan ang tubo dyan araw-araw,” pahayag ni Barbers, chairman ng nasabing komite.

Si Ong ang may-ari ng Empire 999 na bodega sa Mexico, Pampanga na sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Setyembre 2023 kung saan nakumpiska ang 540 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 million.

Dahil dito, nag-imbestiga ang komite ni Barbers at natuklasan hindi lang ang mga lupaing binili ni Ong at mga kasamahan nito sa Empire 999 kundi nakakuha rin sila ng listahan ng money transfer nito sa pamamagitan ng kanyang mga gasolinahan.

Maging ang pinanggalingan ng pera ng grupo ni Ong na ipinambili sa mahigit 300 lupain sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay dapat aniyang imbestigahan ng AMLAC dahil lumalabas na cash nila binili ang mga ito.

Kasabay nito, pinakakansela ng mambabatas sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang Philippine Passport ni Ong kasama ang kanyang mga associate na sina Aedy Tai Yang at Jack Tai Yang dahil hindi Pilipino ang mga ito.

Maging ang birth certificate umano ng tatlo na pawang late-registered ay dapat kanselahin ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Tinukoy ni Barbers ang kaso ng Empire 999 na kontrolado ng mga Chinese na paglabag sa constitutional provisions na 40 percent lang ang pwedeng ariin ng mga dayuhan sa mga kumpanya at ang natitirang 60 percent ay kailangang kontrolado ng Pilipino. (BERNARD TAGUINOD)

37

Related posts

Leave a Comment