(NI NOEL ABUEL)
NAGPAHAYAG ng kahandaan si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na magpatawag ng Senate investigation sa sinasabing anomalya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Ayon sa senador, nais nitong papanagutin ang sinumang opisyales ng nasabing mga ahensya na nagmalabis sa tungkulin at pagkaitan ng tulong ang mga mahihirap.
“Kung ano po ’yung interes ng tao, interes ng Pilipino, ’yun po ang mangunguna. Managot ang dapat managot,” sabi pa nito.
Una nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa operasyon ng PCSO gaming noong Hulyo 26 dahil sa natuklasang malawakang korapsyon dito.
Habang si Senador Panfilo Lacson ang nagbulgar na dapat magpaliwanag si Health Secretary Francisco Duque III sa pagkakasangkot nito sa Philhealth transactions.
Giit ni Go wala umano itong sasantuhin sa imbestigasyon ng Senado at hindi ito mapapatinag kahit kakilala o kaibigan nito ang masangkot sa anomalya tulad ni Duque.
“Managot ang dapat managot kahit na magkasama tayo sa gobyerno at magkaibigan tayo. Kung ano lang po ang tama. ’Yan po ang pinagbibilin parati sa akin ni Pangulo noon. Do what is right,” sabi pa ni Go.
“As chairman ng Committee on Health, I’m willing to investigate kung talagang mayroong katotohanan na mayroong conflict of interest, subalit I still trust Secretary Duque, until it’s proven sufficiently na mayroon talagang ebidensiya against him,” ayon pa dito.
Pinawi naman ni Go ang pangamba ng ilang mahihirap na tao na dahil sa isinarang gaming outlets ng PCSO at Philhealth dahil sa maaari pa rin aniya ang medical financial assistance sa mga ito.
“Bukas naman po. Wala naman pong nagsasara at hindi po magsasara ang PCSO para sa mga tulong medical,” paliwanag pa ni Go.
Hamon naman ni Lacson kay Duterte na nasa kamay na nito kung sisibakin o sususpende nito si Duque habang isinasagawa ang imbestigasyon laban dito.
“Is it not incumbent upon Secretary Duque to exercise professionalism and ethical standards by stopping all dealings of his family’s corporation with the very government agency that he heads?” ani Lacson.
153