(NI BERNARD TAGUINOD)
DALAWANG araw bago matapos ang Buwan ng mga Kababaihan, muling umapela ang isang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte na pirmahan na ang panukalang batas na magpaparusa sa mga mambabastos sa mga kababaihan sa lansangan.
Umaasa si House deputy speaker Sharon Garin na mapipirmahan na ang nasabing panukalang batas o “Safe Street, Public and Online Space Act, upang makumpleto na ang selebrasyon sa International Women’s Month.
“To culminate the celebration of Inernational Women’s Month, we echoed the call for the enactment of the bill which aims to penalize acts that invades a victim’s sense of personal safety on the streets, in public spaces and online,” ani Garin.
Unang naratipikahan na ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukala noong Pebrero 2019 at tanging ang pirma na lamang ni Pangulong Duterte ang kailangan.
Kapag naging batas ang panukalang ito, hindi na maaaring sipulan, tawagin ng malalaswa at iba pang uri ng harassment ang mga kababaihan, personal man o maging sa online media.
Sinuman ang lalabag sa nasabing panukala sa unang pagkakataon kapag tuluyang maging ganap na batas ay pagmumultahin ng P10,000 at 12 oras na community service.
Tataas ito sa P20,000 na multa sa ikalawang paglabag at P30,000 kapag umulit sa ikatlong pagkakataon na may kasamang 30 araw na pagkakakulong.
Mas mataas na multa naman sa mga lalaking maglalabas ng kanilang ari para ipakita sa kanilang target na babae o gagawa ng anumang offensive body gesture dahil sa unang paglabag ay pagmumultahin ito agad ng P30,000 at 12 oras na community service.
Sa ikalawang paglabag ay P40,000 multa at P50,000 naman sa ikatlong paglabag na may kasamang isa hanggang anim na buwan na pagkukulong habang ang mga manghihipo ay pagmumultahin naman ng P100,000 at 30 na araw na kulong na may kasamang seminar.
Kapag ang isang suspek ay muling nanghipo sa ikalawang pagkakataon ay P150,000 na ang multa at kulong na isa hanggang anim na buwan at P200,000 multa na ito sa ikatlong paglabag kasama ang isa hanggang anim na buwang kulong.
Sakop din ng batas ang mga bastos sa social media dahil kapag nahuli ang mga ito ay pagmumultahin ng P100,000-P500,000 at kulong na anim na buwan hanggang anim na taon.
Sinabi ni Garin na hindi lang para sa mga kababaihan ang batas na ito kundi sa lahat ng tao anuman ang kasarian ng mga ito.
354