(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
BANGAYAN para sa kani-kanilang interes ang namagitan kina Senators Juan Miguel Zubiri at Alan Peter Cayetano sa sesyon, nitong Martes ng gabi.
Ganito inilarawan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) ang away ng dalawang senador base sa kumalat na video sa social media.
Ayon kay Leody de Guzman, pangulo ng PLM, ang totoong motibo ay hindi ang pagtatanggol sa tinaguriang “sagradong karapatan sa pagboto” ni Cayetano kundi ang matagal nang alitan ng mga dinastiya ng mga Binay at mga Cayetano.
Nabatid na nagkainitan, nagtaasan ng boses at nagkomprontahan sina Zubiri at Cayetano nang kwestyunin ng una ang biglaang pagkakasingit sa pagtalakay sa House Concurrent Resolution 23 na inakda ng huli.
Ang resolution ay kaugnay sa posisyon ng Senado na nananawagan na pagbigyan ang mga residente sa Embo Barangays na magamit ang kanilang karapatang bumoto para sa kanilang Congressional Representative sa 2025 midterm elections.
Sinabi ni Zubiri na wala sa agenda ang concurrent resolution at hindi pa rin natatalakay sa iba pang mga senador kaya’t nais niyang ipagpabukas ang pagtalakay.
Ilang minuto munang nagdebate ang dalawa at humantong pa sa pagtaasan ng boses dahilan para suspendihin ang sesyon.
Habang nakasuspinde ang sesyon, nagkomprontahan pa sina Zubiri at Cayetano na nakita rin sa kumalat na video.
“Don’t give me sh*t din pare. Pag lugar mo ilang beses kang nakiusap sa’kin eh…at wag mo kong sigawan. Ilang beses ka din nakiusap ah hanggang dun ah. Nag-abroad ka pa eh,” pasigaw na pahayag ni Cayetano.
“Anong gusto mo?” Pasinghal ding tanong ni Zubiri.
“P*t*ng *na. Sindak ka nang sindak dito eh. Bakit? Sisigawan mo ko? Anong pakialam mo? Wala ka namang pakialam sa boboto dun eh,” sagot pa ni Cayetano.
Sa puntong ito, tumulong na rin kay Senador JV Ejercito sa pag-awat sina Senate Sgt At Arms Roberto Ancan at Senador Pia Cayetano at tumulong na rin sa paliwanag si Senate President Chiz Escudero.
Pagbalik ng sesyon, tiniyak ni Cayetano kay Zubiri na ang resolution ay para lamang sense of the Senate o panawagan at hindi naman batas.
Dahil dito, napapayag din si Zubiri na iadopt ang resolusyon.
Kapwa rin humingi ng paumanhin sina Zubiri at Cayetano sa isa’t isa sa naging init ng kanilang mga ulo.
Aminado si Cayetano na mainit ang kanyang ulo dahil kasalukuyan siyang naka-steroid bunsod ng kanyang asthma attack.
Maging si Escudero ay humingi ng paumanhin dahil inabot na ng gabi ang kanilang sesyon.
Ngunit para sa grupo ng mga manggagawa, itinuturing ding away-bata ang nangyari at pagpapakita ng kababawan ng mga senador.
“Tumingin tayo sa content o nilalaman ng pagtatalo. Hindi lang sa panlabas na anyo nito. At malalantad ang kababawan ng ating mga senador (malayo sa dating statesman at orador ng bulwagan ng senado). Personal na interes ang nangingibabaw!,” ani De Guzman.
Kitang-kita rin aniya ang pretensyon o pagkukunwari ng isa’t isa.
“Ang isyu ng sahod, presyo, trabaho, at iba pang panlipunang problema ang nais marinig ng taumbayang nagpapasweldo sa mga mambabatas. Hindi ang nakakaumay na dramarama ng Senateflix, na nagmumula sa personal na interes ng mga dinastiya,” pagtatapos ng pangulo ng PLM. (May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
176