AZURIN EXIT NA SA PNP O EXTENDED?

MAIIWAN ang responsabilidad sa paglilinis ng PNP organization laban sa mga tinaguriang ninja cops at mga opisyal na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga sa pagreretiro ngayong Lunes ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr.

Gayunman, blangko pa kung sino ang hahalili kay Azurin.

Ayon kay Azurin, hindi pa niya alam kung sino ang hihirangin ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na kahalili nito.

Nabatid na nakapagsumite na ang National Police Commission (Napolcom) ng shortlist ng mga posibleng ipalit kay Azurin bilang pinuno ng PNP.

Kung matutuloy ngayong Lunes ang palitan ng liderato, gaganapin ang change-of-command at retirement honors ceremony para kay Gen. Azurin sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Dito magwawakas ang siyam na buwan niyang pamumuno sa 220,000-strong police force na nabahiran ng samut saring kontrobersya kabilang na ang umano’y tangkang cover-up sa P6.7-billion drug bust sa Tondo, Manila.

Ang hindi pa nareresolbang usapin hinggil sa tangkang pagkupit ng ilang pulis sa may 42 kilo ng shabu mula sa nahuling 990 kilos na nasa pag-iingat ng nakakulong ngayon na si MSgt. Rodolfo

Mayo Jr. na tauhan ng PNP-Police Drug Enforcement Group.

Sa pag-alis ni Azurin sa pwesto ay nananatili ang mga tanong gaya ng saan kinuha o sino ang supplier ni Mayo ng halos isang toneladang shabu.

Matagal nang may tiwali

Samantala, naniniwala ang isang opposition solon sa Kamara na matagal nang gawain ng mga pulis na sangkot sa nawawalang shabu at tangkang cover-up sa kaso ni Mayo Jr., ang kabalbalang ito kahit noong kasagsagan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Mistulang kinikilabutan si House deputy minority leader France Castro sa nasabing kaso dahil hindi lang mga ordinaryong pulis ang nasasangkot sa nawawalang 42 kilo ng shabu kundi matataas pa ang ranggo.

“Sa ganitong kalagayan at sa lawak at taas na ng ranggo ng mga sangkot ay makikita na mukhang dati na nila itong gawain maski sa ilalim ng drug war ni Duterte at tumawid pa sa Marcos Jr. administration,” ani Castro.

Una nang nireport ng Philippine National Police (PNP) na 49 pulis na kinabibilangan ni dating Drug Enforcement Group chief PBGen. Narciso Domingo ang nakatakdang kasuhan sa nawawalang shabu.

Subalit nais ni Castro na laliman pa ang imbestigasyon lalo na’t may mga report na posibleng hindi lang 42 kilo ang nawawala.

“Dapat talagang maimbestigahan nang malaliman ang isyung ito dahil mukhang sa maraming antas ng police hierarchy ay sinasabing sangkot sa pagkuha ng 42 kilos na shabu at ang iba naman ay sangkot sa cover-up ng kaso,” paliwanag pa ng mambabatas.

Sinabi ni House committee on dangerous drug chairman Robert Ace Barbers na may mga tangkang iabsuwelto si Mayo ng mga nakatataas sa kanya sa nasabing kaso.

“Marapat lang na maisiwalat din sa media ang lahat ng mga development sa kasong ito para masubaybayan ng mamamayan at hindi ma-whitewash o icover up na lang ang kaso,” ayon pa kay Castro. (JESSE KABEL RUIZ/BERNARD TAGUINOD)

166

Related posts

Leave a Comment