(NI BERNARD TAGUINOD)
UMAPELA ang isang mambabatas sa Kamara sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na agad na magreport kapag nabiktima ang mga ito ng krimen upang maiwasang mapahamak sa huli.
Ito ang payo ni ACT-OFW party-list Rep. John Bertiz III kasunod ng kaso ng isang household service worker na Pinay sa Jeddah, Saudi Arabia na posibleng maharap sa parusang kamatayan matapos mamatay ang kanyang anak.
Nabatid na ang Pinay ay ginahasa at nabuntis umano ng isang dayuhan na driver ng kanyang employer at dahil sa takot ay itinago nito ang kanyang pagbubuntis hanggang sa manganak noong Pebrero subalit namatay umano ang anak nito.
“We send our deepest condolences to our fellow OFW in Saudi Arabia after the unfortunate incident that happened to her and her new-born child,” ani Bertiz subalit nangangamba ito sa kalagayan ng Pinay na ngayon ay nakakulong na sa nasabing bansa.
Sinabi ng mambabatas sa nahaharap ngayon sa kasong immorality at infanticide ang Pinay dahil sa pagbubuntis na walang asawa at pagkamatay ng kanyang bagong silang na anak.
May parusang kamatayan sa pamamagitan ng bitay ang ganitong mga kaso sa Saudi Arabia kapag napatunayan ang kanilang pagkakasala, ayon kay Bertiz.
Dahil dito, umapela si Bertiz sa gobyerno na ibigay ang lahat ng legal assistance sa hindi pinangalanang Pinay dahil maaari umanong maibasura ang kasong infanticide kung mapatunayang ginahasa ito ng driver ng kanyang employer kaya nabuntis.
249