MAGLALAHO ang tinatayang P202 Billion remittances ng mga Overseas Filipino Worker (OFWs) sa Gulf Countries kapag nauwi sa giyera ang girian ng United States (US) at Iran.
Ito ang pagtatayang ginawa ni House ways and means committee chairman Joey Salceda kaugnay ng magiging epekto ng giyerang ito kung sakali sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Salceda, noong 2018, umaabot sa US$3.9 Billion o katumbas ng P202 Billion, ang remittances ng OFWs mula sa gulf countries na kinabibilangan ng Qatar, United Arab Emirates, Oman, Bahrain at Kuwait.
Ang mga nabanggit na bansa umano ang maaapektuhan kapag nagkaroon ng giyera ang US at Iran kaya malaki aniya ang magiging epekto nito sa ekonomiya ng bansa kung sakali.
“Involvement in a state of war by these countries would be a more alarming development for the country’s economy,” pahayag ni Salceda.
Magugunita na nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng dalawang nabanggit na bansa nang mapatay ng US sa drone attack ang top-general ng Iran na si Qassem Soleimani sa Iraq kamakailan.
Base naman sa mga huling ulat, humupa na ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa na dapat umanong ipagpasalamat ng Pilipinas.
“Nevertheless, and given the primacy of the safety of OFWs among relevant priorities, it would be prudent and proactive if the Philippine government prepares precautionary contingencies to ensure that it is prepared to address the need to repatriate citizens from the Gulf states,” ayon sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
195