(NI BERNARD TAGUINOD/PHOTO BY KIER CRUZ)
KUNG nakaiwas man si dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno sa imbestigasyon ng Kamara sa mga kuwestiyonableng transaksyon nito sa kanyang dating tanggapan, wala itong ligtas sa nasabing isyu pagdating sa Commission on Appointment (CA).
Ito ang tila banta ng Kamara kay Diokno na itinalaga bilang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng imbestigasyon ng Kongreso laban sa kanya.
Tinaliwas din sa Kamara ang unang sinabi ng Palasyo na hindi na kailangang dumaan pa sa CA SI Diokno.
Ayon kay House minority leader Danilo Suarez, may dalawang miyembro ng minority bloc sa makapangyarihang komisyon na inaasahang gigisa sa dating Kalihim kapag naisalang na ito sa CA.
“Questions will be asked. That’s also good for him. It will enlighten and maybe answer some issues that haven’t been answered during the question hour,” pahayag ni Suarez.
Maliban sa Question Hour, hindi nagisa si Diokno hinggil sa P75 Billion na isiningit nito sa 2019 national budget, pagpapabidding sa mga proyekto ng ibang ahensya, pagpapabidding sa mga proyekto kahit wala pang aprubadong pondo, pagbibigay ng proyekto sa kaniyang mga in-laws sa Casiguran, Sorsogon, cash budgetting at iba pa, dahil wala itong dinaluhan kahit isang pagdinig.
Kinontra din ni House appropriation chairman Rolando Andaya Jr., ang Malacanang na hindi umano dadaan sa kumpirmasyon ng CA ang appointment ni Diokno sa BSP na chairman din ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
“The last time I checked, nakalagay may confirmation eh. Pati members ng Monetary Board ganun din eh,” ani Andaya.
154