(NI BERNARD TAGUINOD)
IDINEKLARANG ligtas ang lahat ng gusali sa Batasan Pambansa Complex matapos ang masususing inspeksyon kasunod ng 6.1 magnitude na lindol noong Lunes sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon.
Ito ang pagtitiyak ng Office of the House Speaker nitong Miyerkoles kaya ligtas umanong gamitin ang lahat ng mga gusali sa loob ng Batasan Complex.
Noong Martes o isang araw matapos ang lindol ay agad na inatasan ni House acting Secretary General Dante Roberto Maling ang House Engineering and Physical Facilities Bureau, kasama ang Legislative Security Bureau, na magsagawa ng structural viability assessment sa lahat ng gusali.
Kabilang na rito ang main building kung saan nagse-session ang mga mambabatas, North Wing, South Wing, South Wing Annex, Library building, Mitra Building at iba pa.
“In the overall analysis of the five team leaders, the buildings and offices they inspected are cleared or fit for occupancy,” ayon sa tanggapan ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Kung mayroon man umanong epekto ang lindol ay ang tinatawag na hairline cracks sa pader, floor tiles at ilang sirang ceiling at water leaks na walang epekto sa katatagan ng mga gusali.
152