(NI DANG SAMSON-GARCIA)
AMINADO si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na masama ang kanyang loob sa impormasyon na kinansela ng Estados Unidos ang kanyang visa.
Sinabi ni Bato na hanggang sa ngayon ay wala pa naman siyang natatanggap na opisyal na impormasyon mula sa Amerika hinggil sa pagkansela sa kanyang visa kaya’t makikipag-ugnayan anya siya sa embahada.
“Kawawa naman ang Filipino kung hindi natin alam. Halimbawa pumunta ako ng Amerika, hindi nila ako papasukin? Papauwiin nila ako, malaki na nagastos ko. Anyway that is privilege, not a right,” saad ni Dela Rosa.
“Sino ba masaya? Hindi ko mabisita kapatid ko sa Amerika, mga pamangkin ko. Kapag may laban si Senador (Manny)Pacquiao, hindi na ako makapanood, so masama ang loob ko,” diin pa ni Dela Rosa.
Balak man ni Pacquiao na umapela, kung magmumukha namang kawawa ang mga Filipino ay hindi na niya ito gagawin.
“Magmukha bang kawawa ang Republika ng Pilipinas na kung ang isang senador, mag-apela na papasukin nyo ako dyan muli, kung mukha tayong kawawa, hindi na lang siguro ako mag-apela,” diin ng senador.
Naniniwala naman si Dela Rosa na mali ang mga impormasyon na nakuha ng Estados Unidos kung ang batayan ng pagkansela sa kanyang visa ay ang sinasabing extra judicial killing sa Pilipinas.
“If that is true, they are misinformed, misled by their informants. Ako ba ay nag-encourage na patayin ang mga drug suspect? Ako ba ay nag-utos na patayin? Ako ba ay nagcover-up sa mga ginagawang kalokohan ng mga pulis,” diin nito.
157