(NI NICK ECHEVARRIA)
MAHIGIT 200 kilo ng mga naglutangang cocaine mula sa mga territorial waters ng bansa sa Luzon at Mindanao ang narekober na ng pulisya sa nakalipas na dalawang buwan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson P/Col. Bernard Banac simula noong February hanggang April, umaabot na sa kabuuang 217.3 kilos ang mga nakumpiskang cocaine na may katumbas na halagang P1.1 billion.
Ang mga nabanggit na cocaine ay natagpuan sa mga dalampasigan at karagatan ng Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Island, Davao Oriental, Quezon province, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, at Aurora.
Nitong Linggo lamang muling nakarekober ang mga awtoridad ng 40 bloke ng cocaine sa karagatan ng Burgos, Surigao del Norte makaraang iulat ng mga mangingisda ang kanilang natagpuang ipinagbabawal na gamot ganap na alas-4:30 ng hapon sa Municipal Police Station ng nabanggit na bayan.
Nauna nang sinabi ni PNP Chief General Oscar Albayalde na base sa kanilang international counterparts, ang mga nakukuhang bloke-bloke ng cocaine sa bansa ay hindi talaga sa Pilipinas ang destinasyon sa halip ay pinararaan lamang para dalhin sa Papua New Guinea.
172