BIR MAY ATRASO PA SA TEACHERS NA ELECTION INSPECTORS

bir22

(NI BERNARD TAGUINOD)

ISANG taon na ang atraso ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga public school teachers na nagsilbi bilang Board of Election Inspectors (BEI) noong barangay election 2018 dahil hindi pa naire-refund ng ahensya sa mga ito ang kinaltas na buwis sa kanilang kompensasyon sa pagsisilbi sa nasabing halalan.

Ito ang isiniwalat ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na kinatawan ni Rep. Antonio Tinio at France Castro sa Kongreso, na nangangambang muling bubuwisan ang matatanggap na compensation ng mga public school teachers na magsisilbi sa halalan sa susunod na linggo.

Ayon sa nasabing grupo, napilitan ang BIR na ibalik ang 5% na buwis na kinaltas ng mga ito sa compensation o bayad sa mga BEI noong 2018 barangay election matapos nila itong kuwestiyunin.

Gayunman, mag-eeleksiyon na muli sa Mayo 13 subalit hindi pa natatanggap ng mga public school teachers sa may 10 rehiyon sa bansa ang kanilang refund kahit naibigay na ng mga ito ang mga dokumentong hiningi sa kanila ng BIR.

Kabilang sa mga rehiyon ito ay ang Region III, IV-A, V, VII, IX, X, XI, XII, XIII, at  BARMM at sa Butuan City anila ay pinapipirma pa umano ang mga guro ng waiver na nagsasabing idino-donate na nila ang kanilang tax refund.

Dahil dito, kinalampag ng mga ito ang BIR na ibigay na ang kanilang atraso sa mga guro at hiniling na ilibre na sa buwis ang mga matatanggap na compensation ng mga ito na magsisilbing BEI sa darating na halalan.

Noong nakaraang eleksyon ay mayroong P3,000 hanggang P9,000 na compensation ang mga BEI subalit hindi buo ang kanilang natanggap na kabayaran dahil pinatawan ng BIR ng 5% buwis ito.

 

176

Related posts

Leave a Comment