(NI NOEL ABUEL)
HINAMON ni Senador Imee Marcos ang lahat ng broadsheet newspapers na gamitin ang wikang Filipino kahit isang araw lang at maglaan ng isang pahina na maaaring ilagay ang mga artikulo bilang paggunita sa Buwan ng Wika.
Pakiusap ni Marcos, hindi naman aniya kalabisan ang makiusap sa mga pahayagang Ingles na kahit na papaano ay maglaan ng isang pahina para sa mga artikulo na ang gagamitin ay ang Wikang Pambasa.
“Isang beses lang naman ito ngayong buwan ng Agosto at isang pahina lang din para sa mga artikulong susulatin sa wikang Filipino. Sana mapagbigyan ang pakiusap natin lalo na ngayong ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika,” pakiusap ni Marcos.
Idinagdag pa nito na mahalagang maipadama sa taumbayan ang kahalagahan ng wikang Filipino dahil ito ang nagbibigkis sa mamamayan higit na sa panahong maraming pagsubok na pinagdaraanan ng kasalukuyang pamahalaan.
“Napakalakas na armas ang Wikang Pambansa lalo na ngayong nahaharap ang Pilipinas sa iba’t ibang mga pagsubok maging sa mga dayuhang bansa,” sabi no Marcos.
Kasabay nito, nanawagan din si Marcos sa mga news channel na Ingles na maglaan din ng isang araw para sa paggamit ng wikang Filipino sa kanilang mga news program, bilang pagbibigay halaga sa Wikang Pambansa.
Nagpasalamat din si Marcos sa lahat ng tabloid na patuloy na nagpapalaganap ng Wikang Pambansa at patuloy sa paglilimbag ng babasahing nasusulat sa Filipino.
“Bow tayo sa mga tabloid! Isa sila sa mga tunay na nagpapalaganap ng Wikang Pambansa. Kahit sabihin pang patuloy ang paglakas ng online at social media ay naririyan pa rin sila at makikita mo sa mga newsstand,” paliwanag ni Marcos.
164