(Ni NOEL ABUEL)
Pinalawig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang buhay ng 2018 national budget upang masigurong hindi madiskaril ang mga nakaprogramang proyekto tulad ng rehabiitasyon ng Marawi City.
Sa botong 194 pabor, 6 ang tumutol at zero abstention, lumusot sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Joint Resolution (HJR) No. 32 kung saan puwedeng magamit ang 2018 national budget hanggang Disyembre 2019.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hanggang Disyembre 31, 2018 lamang puwedeng magamit ang 2018 national budget at ang mga pondong hindi nagamit ay ibabalik sa Nationa Treasury.
Dahil ito, inakda nina House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, House Majority Leader Rolando Andaya Jr., at House Minority leader Danilo Suarez ang nasabing resolution dahil maraming pondo pa ang hindi nagagamit gayung patapos na ang taon.
Kabilang sa 2018 national budget na nagkakahalaga ng P3.767 Trillion ay ang pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi City subalit hindi pa umano ito nagagalaw kaya kailangang palawigin ang buhay ng national budget sa kasalukuyang taon.
Magugunita na mahigit na sa P2 Trillion ang naitalang unspending o hindi nagamit na pondo ng gobyerno mula noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III hanggang sa kasalukuyang administrasyon.
Sa naturang halaga P1.3 Trillion dito ay hindi nagastos ng Aquino administrasyon mula 2010 hanggang 2016 habang halos P1 Trillion naman sa Duterte admnistration sa unang dalawang kalahating taon nito.
137