(NI DANG SAMSON-GARCIA)
HINIMOK ni Senador Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) na pag-aralan ang posibilidad na magkaroon ng business-class train coaches sa Metro Rail Transit-3 (MRT-3) upang mabawasan ang trapik sa EDSA.
Ginawa ni Poe ang suhestyon sa hearing para sa proposed 2020 budget ng Department of Transportation (DOTr).
Sa kanyang suhestyon, sinabi ni Poe na ang mga sasakay ng premium train coaches ay magbabayad ng P200 hanggang P300, na mas mataas sa normal fare sa ordinary trains ng MRT-3.
“May nagsabi sa akin. Ewan ko if this is something you can consider. But habang ginagawa ninyo ‘yung Dalian trains, baka daw pwedeng a few specific coaches or trains will be designated as business coaches,” saad ni Poe.
“Meron silang guaranteed space and designated line. Bakit? Because ‘yung mga tao who can afford to pay that amount are probably those who have private vehicles,” diin ni Poe.
Bagama’t sa umpisa anya ay posibleng isipin na isa itong “discriminatory,” subalit binigyang-diin na marami rin naman ang handang magbayad ng mas mataas para sa mas komportableng biyahe.
Ang kikitain naman anya sa business class coaches ay maaaring gamitin ng DOTr sa proyekto para sa publiko.
Iginiit naman ni Transportation Secretary Eduardo Tugade na plano na rin nilang maglagay ng tatlong klase ng tren, regular, business or first class, kasama na rin ang express trains.
“Pwede nating pag-aralan, kapag nakuha na natin yung tamang numero na mag-o-operate,” dagdag nito.
374