BUWIS SA LOTTO ILAAN SA PABAHAY, EDUKASYON – SOLON

lotto44

(NI BERNARDN TAGUINOD)

UPANG makabalato ang mga ordinaryong mamamayan sa mga mananalo ng jackpot sa lotto, iminungkahi ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ilaan ang ipinapataw na buwis dito  sa pabahay at edukasyon.

Ito ang nakasaad sa House Bill (HB) 2919 na inakda ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo.

Simula noong nakaraang taon, pinatawan ng gobyerno ng 20% na buwis ang napapanalunang jackpot ng mga lotto na dati ay libre sa tax matapos mapanalunan ng isang kababayan nakatira sa ibang bansa ang isang malaking jackpot.

Dahil buwis naman umano ito ng mga lotto winners,  nais ni Castelo na ibalato na lamang ito sa mga ordinaryong mamamayan para magkaroon ang mga ito ng bahay at edukasyon.

Sinabi ni Castelo na lahat ng mga lotto winners ay namimigay ng balato, hindi lamang sa kanilang mga kaanak at kaibigan kundi sa mga taong hindi nila kilala upang maibahagi ang kanilang biyaya.

Ito ang nais ni Castelo na mangyari sa 20% na buwis na kinakaltas upang magkaroon din umano ng balato ang mga ordinaryong mamamayan na nangangailangan ng pabahay at edukasyon.

“This bill aims to institutionalize this mode of sharing the blessing gained by, for example, a single winner to a lotto or grand draw that could reach as high as near the billion marks,” ani Castelo sa kanyang panukala.

Dahil dito, iminungkahi ng mambabatas na kalahati sa 20% ay dapat aniyang ilaan sa housing program ng gobyerno na ipamamimigay naman sa mga walang maayos na tirahan.

Habang ang natitirang kalahati ay ilaan aniya sa edukasyon upang dumami pa ang mga anak ng mga mahihirap na pamilya na makatapos sa pag-aaral at makaahon ang mga ito sa kahirapan.

 

84

Related posts

Leave a Comment