(NI BETH JULIAN)
TULUYAN nang sibak sa puwesto si overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.
Ito ang kinumpirna ni Execitive Secretary Salvador Medialdea matapos ibasura ng Office of the President ang motion for reconsideration ni Carandang.
Binigyan-diin ni Medialdea na parehong argumento ang iprinisenta ni Carandang sa kanyang MR o ang patuloy nitong paggiit na hindi hurisdiksyon ng Office of the President ang nasabing kaso.
Sinabi pa ni Medialdea na hindi rin sila kumbinsido sa huling paliwanag ni Carandang kung bakit isiniwalat niya sa media ang mga impormasyong hindi dapat habang may isinasagawang imbestigasyon ang Ombudsman.
Giit ni Medialdea na maingat nilang ikinonsidera ang paliwanag ni Carandang ngunit lumalabas na palusot na lamang ang mga ito.
Sa madaling salita, sinabi ni Medialdea na wala sa mga argumento ngayon ni Carandang ang magwa -warrant na kailangang baligtarin ang mga nauna na nilang desisyon laban dito.
Dahil dito, sinabi ni Medialdea nang ideklara ng Ombudsman na bakante ang posisyon ng Overall Deputy Ombudsman at kailangan ding ideklara ng Judicial Bar Council (JBC) na bukas na ang posisyon para sa nominasyon.
Matatandaang sinibak ng Malacanang si Carandang noong Agosto 2018 dahil sa paghahayag nito sa media na hawak na umano niya ang records ng bank transactions ni Pangulong Duterte at ng pamilya nito mula 2006 hanggang 2016.
Gayunpaman, mariing itinanggi naman ng Anti Money Laundering Coumcil (AMLAC) na naglabas sila ng anumang dokumento kay Carandang hinggil sa nasabing bank transactions.
Una na ring kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagsabing nagpasiya na ang Palasyo na tuluyang alisin sa serbisyo si Carandang matapos ibasura ang inihain niyang motion for reconsideration sa Office of the President (OP).
Base sa source, natanggap na ni Carandang nitong nakaraang Huwebes ang OP ruling na may lagda ni Medialdea.
130