(NI DANG SAMSON-GARCIA/NOEL ABUEL)
AMINADO si House Speaker Alan Peter Cayetano na may mga naging aberya at kapalpakan sa pagsisimula ng kanilang hosting para sa 30th Southeast Asian Games (SEA Games).
Ito, ang kinumpirma ni Senador Bong Go kaya’t humingi anya ng paumanhin si Cayetano bilang chair ng Philippine Sea Games Organizing Committee (Phisgoc) kay Pangulong Rodrigo Duterte sa mga aberya sa pagsisimula ng kanilang hosting.
“Nabanggit nga ni Speaker Cayetano kay President pagbaba pa lang humingi siya ng paumanhin siguro sa mga pagkukulang o mga konting kapalpakan at sabi nya hopefully makaraos tayo at maayos natin ito after the opening. Aminado naman po si Speaker na may mga pagkukulang at may konting aberya na nangyari,” saad ni Go.
Sa kabila nito, sinabi ni Go na maging ang Pangulo ay aminadong kailangang magkaroon ng audit sa paggamit ng pondo para sa hosting ng SEA Games upang matukoy kung walang nasayang na kahit isang sentimo sa okasyon.
“Nabanggit ng ating Pangulo na bagama’t maganda ang opening hindi ibig sabihin na wala tayong gagawing investigation kung saka-sakali. Sa preparasyon, he was satisfied pero yung after na po pag-uusapan natin ito, post na po. Nabanggit ng Pangulo kung kailangan i-audit, there will be an audit,” pahayag ni Go.
“Ako naman po as chairman ng Committee on Sports and member of Blue Ribbon Committee kung kailangan ng investigation kung nagamit nang tama ang pondo na ibinigay sa SEA Games ay mahalaga po na malaman ng sambayanang Filipino na walang nasayang ni piso, mahalaga rin po na magkaroon tayo ng assessment dun sa pagiging tagumpay natin after the games po,” diin pa ni Go.
Samantala, maging ang mga nagpakalat anya ng fake news hinggil sa hosting ng bansa ay isasama kung matutuloy ang imbestigasyon ng Senado.
“Pwedeng pag-usapan din po kung magkaroon tayo ng imbestigasyon dahil imbes na ang organizing committee maging abala sa pag-asikaso sa mga bisita ay naging abala sila sa pagsagot sa mga fake news. ‘Yun po ang napansin ko nung mga nakaraang araw, kaliwa’t kanan na fake news ang sinasagot nila,” diin ng senador.
168