(NI DANG SAMSON-GARCIA)
KINUMPIRMA ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na mas ‘behave’ ang pamunuan ni House Speaker Alan Peter Cayetano kumpara sa nakaraang mga naging speaker kung ang budget ang pag-uusapan.
“In fairness dito sa present HOR, ito yata ang sasabihin kong most behaved na counterparts namin sa panahong ito. Kasi ang in-announce nila na P9.5B na talagang institutional amendments naman na ginalaw sa NEP (National Expenditure Program),” saad ni Lacson.
Gayunman, kailangan pa rin anyang mag-ingat at maging mapanuri ang mga senador pagdating sa bicameral conference committee dahil posibleng dito magsingit pa ng mga pagbabago ang mga kongresista.
“Ang hindi natin alam, ano ang nasa armada pa nila na nakatago para sa BCC. Yan ang madugo. Hindi natin alam kung ano,” diin ni Lacson.
Aminado naman si Lacson na may nakita silang P20 bilyon sa pambansang budget na hindi malinaw kung saan gagamitin subalit ito ay nagmula anya sa mismong Department of Budget and Management (DBM).
“Pero maski sa NEP maski hindi nagalaw ng HOR, may mga napansin din kami na may mga hindi malinaw kung saan dadalhin ang pondo. Nagkakahalaga ito more or less estimate namin, nasa mga P20B. Hindi malinaw. Naka-park ito kung saan-saan,” paliwanag ni Lacson.
“May sa DILG, may as usual sa DPWH. May ganoon at kung iipunin natin lahat yan na sa tingin namin ay hindi ma-implement nang maayos o hindi ma-implement at all, dahil hindi maliwanag o kaya naka-lump sum, nasa mga P20B,” dagdag pa nito.
Kasabay nito, pinag-aaralan ni Lacson na i-adopt na lamang ang inaprubahang bersyon ng Kamara para sa Pambansang Budget sa susunod na taon.
Sa ganitong paraan, hindi na aniya magagalaw pa ang panukala dahil hindi na magkakaroon ng bicameral conference committee o hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga kongresista na isingit pa ang nais nilang isingit.
Ang plano ay makaraang kumpirmahin ni Lacson na wala siyang nakitang pork barrel na isiningit ang mga kongresista kaya’t itinuturing nito ang liderato ni House Speaker Alan Peter Cayetano bilang “most behaved” kung ikukumpara sa mga nakalipas na miyembro ng Kamara kung ang panukalang budget ang pag-uusapan.
Gayunman, sa huli anya mas maganda pa ring maging hakbang nila ay iadopt ang kasalukuyang bersyon ng Kamara para hindi na ito mabago.
“Sa budget isang pinagaaralan namin na-discuss ko kay SP (Senate President Tito Sotto) at kay Sen FMD (Sen. Franklin Drilon)isasangguni namin kay Sen (Sonny) Angara na para mas mabilis ipasa ang budget at kung walang masyadong maraming issues at pwede patawarin ang di kaya ma-implement ang sinasabi kong nasa P20B at pwede ito ipaubaya sa DBM kung papaano mare-realign o magagamit ng ahensya, pinakamagandang gawin dahil sa nakita namin P9.5B lang na institutional amendments, baka mas magandang gawin namin, i-adopt na lang namin ang HOR version,” giit ni Lacson.
“Pagka ganoon, nganga ang may hawak na amendments para sa bicam. Kasi siyempre wala nang BCC pag in-adopt ang HOR version,” diin pa nito.
343