CHILD MARRIAGE SA PINAS IPAGBABAWAL NA

(NI BERNARD TAGUINOD)

DAHIL parami nang parami ang mga batang nag-aasawa nang maaga, ipinanukala ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipagbawal ang pagpapakasal sa mga menor de edad.

Sa House Bill (HB) 3899 o Girls Not Brides Act of 2019 na iniakda ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, sinabi nito na kailangan na ang batas para ipagbawal ang pagpapakasal sa mga menor de edad.

Ginawa ng mambabatas ang panukala matapos maalarma sa report ng UNICEF noong 2017 na ang mga 15% sa mga batang Filipina ang nag-aasawa bago tumuntong sa edad na 18 anyos.

Bukod dito, 2% sa mga batang Pinay ay nag-aasawa pagtuntong ng mga ito sa edad 15 anyos gayong hindi pa handa ang mga ito sa responbilidad sa buhay may-asawa at magkaroon ng pamilya.

“More worrying is the fact that the country has the 12th highest absolute number of child bribes around the world which is estimated to be at 726,000,” pahayag ni Vargas sa kanyang panukala.

Marami umano sa mga batang nag-aasawa kahit wala pa sa edad ay natuklasan na idinadaan sa commercial sex at sex trafficking at maging sa tinagawag na mail-order bride industry.

Isinisi ito sa kahirapan na nararanasan ng mga batang ito at ng kanilang pamilya kaya maagang pinapasok ang pag-aasawa subalit kailangan upang mapigilan ito sa lalong madaling panahon.

Dahil dito, iminungkahi ni Vargas na tuluyang ipagbawal ang pagpapakasal sa mga menor de edad at sinumang ang magbabasbasan sa ganitong uri ng kasal ay paparusahan.

Nais ni Vargas na maideklara bilang “public crime” ang Child Marriage at ang parusa ay pag-uusapan pa sa Kongreso kung saan maging ang mga magulang ng mga batang ito na itinutulak ang mga anak  na mag-asawa ay magkakaroon na ng pananagutan sa batas.

Nilinawag ni Vargas na ang mga ganitong edad ay marami pang dapat matutunan sa buhay at dapat nag-aaral pa kaya kailangang protektahan at tulungan aniya ito ng estado.

 

181

Related posts

Leave a Comment