(NI BETH JULIAN)
PINAWI ng Malacanang ang pangamba ng publiko kaugnay sa isyu ng umano’y paggamit sa Read Bank bilang kolateral sa ginawang pag utang ng Pilipinas sa China para sa Chico River Dam project na aabot sa $62 milyon.
Sinabi ni Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo, walang nakikitang dapat na ikabalaha sa utang dahil sigurado naman itong mababayaran ng bansa.
Ito ang reaksyon ng Palasyo matapos ang pagbubunyag ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na nagsabing nakasaad sa Chico River Irrigation Loan Aggreement na maaaring kamkamin ng China ang natural gas deposit sa Read Bank o mas kilala bilang Recto Bank kung magkakaroon ng default sa pagbabayad ng Pilipinas.
Binigyang- diin ni Panelo na malabo itong mangyari dahil kilala ang bansa bilang good payer pagdating sa foreign loans nito.
Malaki rin ang paniwala ni Panelo na napakaliit lamang na halaga ang utang para sa Chico Dam para hindi ito mabayaran.
Sinabi ni Panelo na posibleng ito umano ang dahilan kaya payag ang economic manager na magamit ang Read Bank bilang kolateral sa nasabing utang.
210