CHINA LUMABAG SA SOLAS–REP BIAZON

ruffy biazon

(NI ABBY MENDOZA)

INIHAYAG ni House Committee on National Defense and Security Senior Vice Chair Ruffy Biazon na malinaw na nilabag ng China ang itinatakda ng International Convention on Safety of Life at Sea kung saan ay isa ito sa mga signatories.

Nakasaad umano sa SOLAS na obligado ang mga kapitan ng sasakyang pandagat na tulungan ang mga distressed vessels o bangka subalit sa insidente sa  Recto Bank ay mismong Chinese vessel ang nagdulot ng distress nang banggain at iwanan pa nito ang bangka ng mga mangingisdang Pinoy.

Ayon kay Biazon ang paglabag sa SOLAS ay basehan para masabing sinadya ang pagbangga.

Idinagdag pa nito na masusukat ang sinseridad ng China sa malayang paglalayag sa international waters sa naganap na insidente, kung kukunsintihin umano ng China ang inasal ng kanilang Chinese crew ay matatawag itong panggigipit sa mga kapitbahay na bansa.

Inihalintulad naman ng kongresista sa motoristang naka-hit and run sa kalsada ang palusot ng Chinese government na natakot silang kuyugin ng mga nakapaligid sa kanila.

Samantala, para kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo tama lamang ang ginawang pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu.

Ani Arroyo kailangan ng calibrated response at maging civil sa isyu dahil dapat kaibiganin ang China na isa sa pinakamalaking kapitbahay na bansa ng Pilipinas.

Mula nang maganap ang insidente sa West Philippine Sea ay wala pang naririnig na pahayag mula sa Pangulo bagamat naghain na ng diplomatic protest ang Pilipinas.

 

149

Related posts

Leave a Comment