(NI BERNARD TAGUINOD)
KINUWESTIYON Kinuwestiyon ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang tila pananahimik ng Palasyo ng Malacanang sa warning shot ng China sa eroplano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa West Philippine Sea.
Hindi nagustuhan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang hindi pagsasalita ng Malacanang sa nasabing isyu gayong mainit na mainit ang mga ito sa mga progresibong grupo.
“Sinakop na nga ang teritoryo natin at nagpaputok pa laban sa AFP tapos ay hindi man lang kumikibo ang administrasyong Duterte,” pahayag ni Zarate.
Una rito, sinabi ni Maj. Gen. Reuben Basiao, deputy chief of staff for Intelligence ng AFP sa security briefing sa Kamara nakaranas ang mga ito ng warning flares mula sa mga artificial islands na inokupahan ng China habang nagsasagawa ang mga ito ng maritime patrol.
Naniniwala si Basiao na ang ipinutok na flares ng China ay para palayuin ang mga ito sa pinag-aagawang teritoryo bagay na hindi nagustuhan ni Zarate dahil nanahimik ang Palasyo ng Malacanang dito.
Dahil dito, iginiit ng mambabatas sa AFP na ituon ang pansin sa pagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea na unti-unting sinasakop ng China imbes na pag-initan ang mga progresibong grupo.
“Instead of raiding the offices of progressives and bombing peasant communities, the Armed Forces of the Philippines should concentrate its forces and efforts in guarding and patrolling the West Philippine Seas,” ani Zarate.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa nararanasang harassment umano ng mga ito sa AFP katulad ng pagre-raid at pagtatanim umano ng ebidensya sa kanilang mga tanggapan.
“It seems that the AFP is only good in planting evidence against activists but apparently becoming inutile against defending our sovereignty,” dagdag pa ng mambabatas.
273