CHINA, PILIPINAS KAPWA HANDANG MAKIPAGDAYALOGO SA USAPIN NG SOUTH CHINA SEA

KAPWA nagpahayag ang Pilipinas at China na handa silang makipagdayalogo para sa ikatitiwasay ng sitwasyon sa South China Sea, sa gitna ng pinaiiral na fishing ban at new China Coast Guard policy na pag-aresto sa mga tatawid sa kanilang inaangking mga teritoryo.

Sa inilabas na pahayag ng China Foreign Ministry, wala umanong dapat ikabahala ang Pilipinas hinggil sa panibagong Coast Guard rules na ipinatupad ng China sa West Philippine Sea, at maging sa iba pang teritoryong inaangkin nito.

Ganito ang naging tugon ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maituturing na “escalation” at lubhang nakababahala ang mga bagong panuntunan na ipinatutupad ng China sa contested areas sa West Philippine Sea o South China Sea.

Ayon sa Chinese Foreign Ministry spokesperson, ang kanilang ipinatutupad na polisiya ay may layuning gawing standardize ang law enforcement at pagtataguyod ng kanilang maritime order.

Kaya wala aniyang dahilan para sa sinomang indibidwal na mangamba ukol dito hanggat wala umanong ginagawang ilegal na aktibidad ang mga ito.

Magugunitang epektibo mula Hunyo 15, 2024 ay ipatutupad ng China ang kanilang 2021 Coast Guard law at panibagong coast guard rules na nagpapahintulot sa kanilang mga tauhan na manghuli ng mga indibidwal na nagsasagawa umano ng ‘trespassing’ sa kanilang inaangking teritoryo.

Una nang sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Jay Tarriela, na hindi siya naniniwala sa mga panibagong batas na ito ng China at ito ay pawang mga naratibo lamang sapagkat maaari itong makasagasa sa maritime sovereignty, hindi lamang ng Pilipinas kundi maging ng iba pang mga bansa.

Habang batay naman sa monitoring ng Philippine Navy, inihayag ng tagapagsalita nito sa mga usaping may kaugnayan sa West Philippine Sea na si Commo. Roy Vincent Trinidad, sa ngayon ay wala pa silang nakikitang anomang indikasyon na magpapatupad ng bagong Coast Guard rules ang China sa exclusive economic zone ng ating bansa.

Maging ang mga mangingisda sa bahagi ng West Philippine Sea ay tuloy pa rin ang pamamalakaya maliban lamang sa loob ng Chinese controlled Bajo de Masinloc.

Samantala, una nang inihayag ni PBBM na handa siya sa matapat na pakikipag-usap sa China basta tiyakin ng China na hindi sila gagawa ng anomang aksyon na mag-uudyok at magpapalala ng tensyon sa West Philippine Sea.

Kabilang na rito ang pangha-harass sa hanay ng mga mangingisda, at hayaang mamalakaya ang mga mangingisda sa loob ng ECC ng Pilipinas at huwag palalain ang tensyon sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng harassment, paggamit ng high grade laser at pagbomba ng tubig sa maliliit na fishing boat, at maging sa mga government registered ship na ginagamit Philippine Coast Guard. (JESSE KABEL RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment