KASO NI MAYOR ALICE GUO WAKE-UP CALL SA COMELEC

(BERNARD TAGUINOD)
DAPAT magsilbing wake-up call sa Commission on Elections (Comelec) ang kaso ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na hindi dapat maghintay ng magrereklamo bago aksyunan ang kwestiyonableng mga kandidato.

Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, trabaho ng Comelec na busisiin ang papeles ng mga maghahain ng certificate of candidacy dahil may kapangyarihan ang komisyon na gawin ito kahit walang pormal na reklamo laban sa isang kandidato.

“Sinasabi ng Comelec ay kailangan niyang mag-antay sa petisyon sa qualification para mag-question sa kung sino man mga kandidato pero liban pa dyan, mayroon pa sya motu-proprio power,” ani Manuel.

Si Guo na inirehistro lamang ang birth certificate noong 17-anyos na ito ay nakatakbo at nanalong mayor ng Bamban, Tarlac noong 2022 elections at ngayon ay kinukwestiyon ang citizenship.

Ipinaliwanag ni Manuel na dapat maging aral ito sa Comelec para busisiin ang mga dokumento ng mga kandidato upang hindi ito maulit sa susunod na mga halalan.

“Ibig sabihin na kung may na sense na parang pasablay sa qualifications (ng isang kandidato) dapat nag-take na sya (Comelec) na action para bago pa. Ngayon kasi pahabol na lang yung ginagawa (sa kaso ni Guo),” ayon pa sa mambabatas.

Nag-ugat ang pagkalkal sa citizenship ni Guo dahil sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa likod ng munisipyo ng Bamban, Tarlac na sinalakay ng mga otoridad noong Marso dahil sa hacking activities, human trafficking at iba pang ilegal na aktibidad.

Base sa imbestigasyon ng Senado, lumalabas na pag-aari ni Guo ang lupang pinagtayuan ng POGO na tinatayang P6.1 billion umano ang ginastos kaya sinabi ni Manuel na alamin kung kailan ito lumago.

Nais din niyang alamin ang implikasyon ng POGO sa komunidad at kung may hindi kaaya-aya na trabaho sa loob nito ay dapat managot si Guo sa mamamayan ng Bambam,” ayon pa kay Manuel.

61

Related posts

Leave a Comment