P15.5-B PHILHEALTH FUND IBINULSA?

(BERNARD TAGUINOD)

MAGSASAGAWA ng malalimang imbestigasyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa P15.5 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hinihinalang ibinulsa noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng oversight hearing ng House committee on appropriations, muling naungkat ang nasabing isyu dahil bukod sa usapin ng legalidad ay walang napanagot sa mga dating opisyales ng PhilHealth.

“Ang allegation ay P15.5 billion na binulsa umano ng PhilHealth officials through fraudulent schemes? Pinautang sa mga negosyante and hospital owners itong budget na ito para sana sa emergency fund para sa mga natural disasters? Meron na rin ba na naging liable baka maaari na nating makuha ang report nila?,” tanong ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas subalit hindi masagot ng mga kasalukuyang opisyales ng nasabing state insurance company.

Noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, pinautang at binigyan umano ng PhilHealth ng advance payment ang mga ospital sa pamamagitan ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) program para sa paggamot ng COVID-19 patients.

Gayunpaman, maging ang mga ospital o maliliit na clinic na walang kakayahan gumamot ng mga may COVID-19 ay binigyan umano ng advance payment.

“Nagkaroon din tayo ng initial findings na ang pagpili ng facilities na nakatanggap ng IRM ay tila walang naging connection sa COVID patterns. So sino, paano pinili ang facilities na ito?” ayon naman kay Marikina Rep. Stella Quimbo, vice chairperson ng nasabing komite na nanguna sa imbestigasyon.

Hanggang ngayon ay hindi masagot ng mga kinatawan ng PhilHealth kung paano pinili ang mga pagamutan na binigyan ng advance payment kaya ipatatawag aniya ang mga opisyal ng PhilHealth noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

40

Related posts

Leave a Comment