CHINA PINASASAGOT SA DIPLOMATIC PROTEST NG DFA

pagasa island12

(NI BETH JULIAN)

BINIBIGYAN ng pagkakataon ng Malacanang ang China para sagutin ang diplomatic protest sa inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa presensya ng Chinese Maritime Militia vessels sa Pagasa Island.

Sa press briefing sa Malacanang, ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na alinsunod sa proseso ay binibigyan ng sapat na panahon ang respondent na pag-aralan ang reklamo o note verbal o protesta na inihain laban sa kanila ng isang  bansa.

Sinabi ni Panelo na sa ngayon ay wala pang tugon si Chinese Ambassador Zhao Jianhua sa diplomatic protest laban sa China.

Ayon kay Panelo, may nakita siyang missed call sa kanyang cellphone nitong Miyerkoles mula kay Zhao ngunit hindi niya ito nasagot dahil sa dami ng kanyang meeting.

Hindi rin isinasantabi ni Panelo ang posibilidad na matalakay nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jin Ping ang mga inihaing diplomatic protest laban sa China sa kanilang pagkikita sa katapusan ng Abril.

Partikular na asahang tatalakayin ang presensya ng Chinese vessels sa mga isla sa West Philippine Sea na sakop ng teritoryo ng Pilipinas.

Nakatakdang dumalo si Pangulong Duterte sa Belt and Road Forum sa Beijing.

Una nang kinumpirma ni DFA Secretary Teddy Boy Locsin Jr., na naghain na sila ng protesta bago pa man ito tumulak patungong China noong Marso 17.

341

Related posts

Leave a Comment