(NI ABBY MENDOZA)
KASABAY ng pagbubukas ng unang sesyon ng 18th Congress ay iaanunsyo ng bagong House Leadership, sa pamumuno ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, ang mga mamumuno sa mga komite, kabilang na rito ang makapangyarihang Committee on Accounts, Committee on Appropriations at mga Deputy Speakers.
Kinumpirma ni Cayetano na ngayong Linggo ay magkakaroon sila ng pagpupulong kung saan pag-uusapan kung sino ang maitatalagang chair sa mga komite at sa Lunes ay kanila na itong isasapubliko.
Ipinaliwanag ni Cayetano na kailangang madaliin ang pag-organisa sa committee chairmanships dahil sa ikalawang linggo ng Agosto ay isusumite na ang National Expenditure Program ng gobyerno.
Paliwanag ni Cayetano, halos dalawang buwan ang ginugol sa labanan para sa House speakership kaya dapat ay maging handa na silang lahat na magtrabaho.
Kabilang sa mga kakausapin nito sa pulong ay ang presumptive Majority Leader na si Leyte Rep. Martin Romualdez upang plantsahin ang appointments.
Sinabi pa ni Cayetano nagpahayag na ng interes si San Juan Rep. Ronnie Zamora na manatili sa kanya ang pagiging pinuno ng delegasyon sa Commission on Appointments habang si Mandaluyong Rep. Boyet Gonzales naman ay posibleng italaga bilang Deputy Speaker.
Samantala, nagkaroon na ng pag-uusap sina Cayetano at Davao Rep. Paolo Duterte kung saan tinanggap na ng huli ang posisyon bilang Deputy Speaker for Political Affairs sa 18th Congress.
Ang pag-uusap at pagkakaayos ng dalawa ay indikasyon umano na wala nang hidwaan sa pagitan ng dalawa.
116