(NI JESSE KABEL)
KINUMPIRMA ng Armed Forces na puspusan ang gagawin nilang pag-aresto sa mga lider ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) na tumatayong consultant ng National Democratic Front (NDF) sa na-terminate na peace talks.
Ayon kay AFP spokesperson Bgen Edgard Arevalo, dahil sa termination ng peace talks ay wala nang bisa ang mga inisyung safe conduct passes; at hindi na immune ang mga NDF consultants sa gagawing pag-aresto sa kanila.
Nabatid na tututukan ngayon ng military at maging ng Philippine National Police ang pag-aresto sa mga consultant ng CPP-NPA ngayong pormal nang tinapos nI Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa komunistang grupo.
Nagbabala rin ang pulis at militar na madadamay sa pag-aresto ang sinumang mapatutunayang nagkakanlong sa NPA lalo’t itinuturing na ngayon ang mga ito na terorista.
Tiniyak din ng PNP at AFP na nakahanda sila sa anumang banta sa seguridad, lalo na ngayon ay terminated na ang peace talks sa national level sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac, mahigpit ang directiba ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde sa mga regional police commanders lalo na sa mga lugar na may mga presensiya ng komunistang grupo na nag-ooperate na palakasin ang kanilang seguridad lalo na sa kanilang mga municipal police stations.
356