(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGKAKASAKIT na umano ang ilang consumers sa Quezon City dahil sa maruming tubig na mahinang tumutulo sa kanilang gripo sa gitna umano ang artipisyal na krisis sa tubig.
Ito ang nabatid kay dating Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus na kabilang sa mga sumugod sa Metropolitan Waterworks and Sewarage System (MWSS) office sa Balara, Quezon City nitong Lunes para igiit na huwag munang maningil ng bayad ang mga water concessionaires.
“This artificial water crisis is also affecting people’s health aside from causing huge inconvenience to households and small businesses. May ilang pamilya sa Quezon City ang nakaranas ng pananakit ng tiyan dahil sa maruming tubig,” ani De Jesus.
Hindi na idinetalye ng dating mambabatas kung saan sa Quezon City at alin sa concessionaires ang nagsusupply ng tubig sa mga nanakit ang tiyan dahil sa maruming tubig.
Naniniwala ang dating mambabatas na mistulang sinasadya ang krisis sa tubig upang magkaroon ng dahilan ang gobyerno na ituloy ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa Quezon na mapaminsala umano bukod sa kasama ito sa magbabaon sa utang sa Pilipinas sa China.
Unang nagkaroon ng krisis sa tubig noong Marso nang mawalan o kaya humina isinusupply ng Manila Water sa kanilang mga consumers at nang bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nagkaroon na rin ng problema ang mga consumers ng Maynilad.
“Hanggang ngayon ay marami pa ring mga pamilya ang nakakaranas ng kawalan ng tubig. Kung mayroon man silang supply, mahina naman ang pressure o di kaya’y marumi at mabaho ang tubig,” ani De Jesus.
Dahil dito, sinabi ni De Jesus na dapat huwag munang maningil ng bayad ang mga water concessionaires hangga’t hindi maibalik ng mga ito ang 24/7 na supply ng tubig.
“Kaya naman nararapat lang na ipatupad sa mga konsyumer ang ‘Zero Billing’ dahil sa ganitong palpak na serbisyo mula sa private concessionaires,” ayon pa sa dating mambabatas.
155