(NI BERNARD TAGUINOD)
APRUB sa 144 Congressmen ang panukalang batas na ibaba sa 12 anyos ang Minimum Age of Criminal Responsibility (MACR).
Sa nominal voting para sa ikatlo at huling pagbasa sa House Bill 8858 na nag-aamyenda sa Republic Act (RA) 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 kahapon, 144 ang pumabor dito habang 34 lamang ang kumontra.
Naghihintay na lamang ang Kamara ng counter-bill na ipapasa ng Senado para magharap ang mga ito sa Bicameral conference committee bago ratipikahan at pirmahan ng Pangulo para maging batas.
Isinalang sa huling pagbasa ang nasabing panukala, 5 araw pagkatapos itong maipasa sa ikalawang pagbasa noong Enero 23, 2019 na ayon kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay “request” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng nasabing panukala, lahat ng mga batang 12 anyos pataas na makakagawa ng krimen tulad ng murder, homicide, parricide, arson, lalabag sa anti-illegall drugs law, pagnanakaw, rape at iba pa dadalhin agad sa Bahay Pag-asa kung saan irereform umano ang mga ito.
Taliwas ito sa RA 9344 na tanging ang mga batang 15 anyos pataas ang dadalhin sa mga Bahay Pag-asa at ang mga mas mababa sa edad na ito ay ibabalik sa kanilang magulang kapag nahuli.
Mananatili sa Bahay Pag-asa ang mga batang nagkasala at kapag nasentensyahan na ang mga ito sa krimeng nagawa ay dadalhin naman ang mga ito sa Agricultural Farm na itatayo ng gobyerno kung saan itutuloy ang reformation program at saka lang palalayain kapag pagtuntong ng mga ito sa 25 anyos kahit hindi pa tapos ang kanilang sentensya.
Subalit ayon sa mga kontra sa nasabing panukala, kaya may mga batang nakakagawa ng krimen tulad ng pagnanakaw ay dahil hindi nagagampanan ng gobyerno ang kanilang tungkulin sa mamamayan na iangat ang mga ito sa kahirapan.
“If we really want to protect them from exploitation then we must provide them adequate education, adequate health services, adequate food and nutrition, and other adequate social services to improve their, their families, and their communities socioeconomic conditions,” ani Magdalo party-list Rep. Gary Alejano.
Kapwa sinabi naman ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza at Albay Rep. Edcel Lagman na hindi pa naipapatupad ng husto ang RA 9344 at hindi pa naitatayo ang lahat ng mga Bahay Pagasa na itinakda ng batas subalit inaamyendahan na ito.
“Sapat na suporta at tulong, at tamang pagpapatupad ng ating mga batas, ang tamang tugon upang maiwasan na biktimahin ang ating mga kabataan, hindi ang kulungan,” ayon naman kay Akbayan party-list Rep. Tom Villarin na isa sa tumutol sa panukala.
“Nabigo tayong pawiin ang kahirapan, na nagsasadlak sa maraming bata sa busabos na pamumuhay, na kumapit sa patalim upang kumain, na gumawa ng hindi mabuti upang mabuhay. Ang kriminalidad ay hindi kasalanan ng musmos. Hindi sila ang dapat ikulong,” ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kaya tumutol ito sa panukala.
197