CUSTOMS COLLECTOR NA NAGPASOK NG BASURA NG SOKOR PINASISIBAK

sokorbasura1

(NI ABBY MENDOZA)

INIREKOMENDA ni Iligan City Rep. Frederick Siao na sibakin na sa pwesto ang Customs District Collector na  nagpasok sa bansa ng 5,000 metro toneladang basura mula South Korea.

Ayon kay Siao, vice-chair ng Committee on Tourism, dapat nang sibakin si Customs Collector Floro Calixihan dahil sa kapabayaan sa tungkulin.

Malinaw umano na pinayagan nito at tinulungan ang Verde Soko Philippines na makapagpasok ng tone-toneladang basura mula sa naturang bansa.

Sa pagdinig ng komite, kinastigo ng kongresista si Calixihan  dahil nagmistula itong empleyado ng Verde Soko sa halip na opisyal ng gobyerno nang pirmahan nito ang liham na inihanda ng nasabing kompanya ilang araw bago dumating ang garbage shipment.

” Kahit hindi pa sumasailalim sa inspeksyon ang kargamento ng nasabing kompanya ay pinirmahan na agad ng Customs collecter na may petsang Hulyo 19, 2018 habang dumating naman ang 5,000 metric tons na basura noong Hulyo 21,2018,” paliwanag ni Siao.

Giit ng mambabatas, malinaw na may plano at koordinasyon para hindi ideklara ang importasyon at si Calixihan ay kabahagi dito base na rin sa mga ebidensiya na hawak ng komite.

Inirekomenda rin ng komite kay Customs Commissioner Rey Guerrero na magsagawa ng internal investigation laban kay Calixihan at panagutin dahil sa hindi pagkolekta sa import duties sa Verde Soko Philippines.

139

Related posts

Leave a Comment