(NI NOEL ABUEL)
NANINDIGAN si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na suportado nito ang hiling ni Leni Robredo na dagdag pondo para magamit sa kampanya laban sa illegal na droga.
“Ako, as a legislator, sabi ko full support ako kung ano ang makatutulong. Basta ang hangarin ay masugpo ang droga,” giit ni Go.
Paliwanag pa nito na kung sa kasalukuyan ay nasa 82 porsiyento ang sang-ayon sa war on drugs ng administrasyong Duterte ay hindi imposible na tumaas pa ito sa panunungkulan ni Robredo bilang co-chair ng Inter–Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).
“Ngayon 82% ang sang-ayon sa War on Drugs. Malay mo maging 90%, 100%. Tutulong po kami. Basta interes ng Pilipino at wala nang daragdag pa sa mga biktima ng droga,” aniya pa.
Kaugnay nito, sinabi ni Go na wala pa itong nakukumpirma kung iimbitahan si Robredo sa darating na mga Cabinet meetings.
“Hindi pa sila nag-usap ng Pangulo at sa Gabinete, wala pa akong naririnig. I’m not authorized to speak on behalf of the Executive pero sa pagkakaalam ko, wala pang plano (na imbitahan siya). Maybe kapag pag-uusapan na ang droga,” sabi pa nito.
Samantala, tiniyak ni Go na maipapasa ang 2020 budget at malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang taon upang maiwasan na magkaroon muli ng budget reenactment.
“Bago matapos ang taon, signing na dapat with the President. Ayaw na namin mangyari katulad last year. Mahirap ang reenacted budget. Laki ng losses sa gobyerno. Billions ang nawawala kapag reenacted. Isa rin cause ito ng inflation during the first semester dahil walang government spending,” paliwanag ng senador.
395