(NI NOEL ABUEL)
DAPAT na iprayoridad ng pamahalaan ang pagkakaloob ng dagdag na tauhan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) para mabantayan ang lahat ng kalsada sa Metro Manila.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, suportado nito ang panawagan ng MMDA na dagdag na pondo para sa karagdagang bilang ng mga traffic personnel na magmamando sa lahat ng oras.
Una nito, sinabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago na sa kasalukuyan ay nasa 2,000 traffic personnel lamang ang nasa payroll nito kung saan kulang ang ahensya ng 5,000 para mabuo ang 7,000 field staff nito.
Paliwanag ni Recto, dahilan sa dumaraming bilang ng mga sasakyan ay dapat na mabantayan ang lahat ng major roads at critical intersections sa loob ng “round-the-clock and rain-or-shine” supervision.
“Sa loob ng nakaraang limang taon, 11,530 na sasakyan ang nadagdag kada buwan. Ito ‘yung mga registered sa NCR. Hindi pa kasama ‘yung mula sa Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, na regular na pumaparine sa Metro Manila,” ani Recto.
Isa pa umano sa dahilan nito ang pagdami ng bilang ng mga aksidente na naitala noong 2017 na umabot sa 110,025.
“With this epidemic in road crashes, we need more men to come to the aid of the injured and clear the road of obstructions,” sabi ng senador.
158