(NI ABBY MENDOZA)
LUSOT na sa House Committee on Appropriations at agad na isusumite sa House Plenary ang consolidated bill na humihiling na itaas ang sahod ng mga government employees sa susunod na taon.
Ayon kay Appropriations Committee Chairman Isidro Ungab agad na tatalakayin sa Plenaryo sa Kamara ang House Bill 5712 at kanilang hihilingin sa Malacanang na masertipika bilang urgent bill.
“We expect that the Office of the President might issue a certificate of urgency anytime.If the measure is signed into law beyond January 2020, the implementation of the salary adjustment will still be retroactive,” paliwanag ni Ungab.
Batay sa panukala, ang Salary grade 1 na teacher ay may dagdag na 30.1% sa kanilang sahld, 27.1 % naman sa Teacher 2 at 24.1% sa Teacher 3.
Ayon kay Ungab, tiyak nang maipatutupad ang taas sweldo sa susunod na taon dahil may nakalaan nang P34B para dito na nakapaloob sa 2020 national budget.
Hindi naman masaya si ACT Teachers Rep. France Castro sa ibibigay na dagdag sahod,aniya, kulang na kulang ito dahil ang teacher 1 na may sahod na P20,753 ay magiging 27,000 lamang makalipas ang 4 na taon.
“Kapos sya ng P3,000 doon sa proposal ng teachers. Sobra namang napakabarat nitong proposal na ito ng DBM at ng liderato ng House dahil matagal na nga naming hinihiling ‘yung P30,000,”giit ni Castro.
Katwiran naman ni Ungab, ang Department of Budget and Management (DBM) ang syang nagpropose ng increase at sya ding nagbigay alokasyon na P34B.
Kung kapos umano ay dala na rin ng limitadong budget subalit bukas sila na pag aralan muli ang panukala pagdating ng panahon.
Kasama rin sa payroll hike ang mga nurses habang hindi kasama ang mga uniformed personnel at ang mga incumbent lawmakers.
240