DAGDAG-SAHOD SA GURO PINAMAMADALI

(NI NOEL ABUEL)

INAAGAD na ni Senador Win Gatchalian ang pagrebisa ng Republic Act 4670 o Magna Carta for Public School Teachers para matugunan ang matagal nang hinaing ng mga guro sa mababang sahod at nakaaawang kalagayan.

Ayon kay Gatchalian, nakapaloob sa 27 probisyon ng naturang batas, 11 lamang ang natupad habang siyam ang bahagyang natupad at pito ang hindi pa natutupad.

Sa isang policy forum na pinamunuan ng Civil Society Network for Education Reforms (E-Net Philippines) at ng Senate Committee on Basic, Education, Arts and Culture, sinabi ni Gatchalian na seryoso nang itaas ang sahod ng mga guro dahil na rin napag-iiwanan na ang mga ito.

Meron talagang pangangailangan na itaas ang sweldo ng ating guro dahil naiiwan na ang mga Teachers I, II at III pagdating sa pay gap kumpara sa Master Teachers I, II at III,” ani Gatchalian, ang Chairman ng Committee on Basic, Education, Arts and Culture sa Senado.

Ang sahod ng isang Teacher I na nasa ilalim ng Salary Grade (SG) 11 ay umaabot ng P20,754 kada buwan. Nasa ilalim naman ng SG 18 ang buwanang sahod ng Master Teacher I na umaabot sa P40,637.

Isinabatas ang RA 4670 noong 1966 bilang pagtugon sa matinding pangangailangan na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga guro base na rin sa rekomendasyon ng International Labor Organization o ILO at ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization’s o UNESCO.

Maliban umano sa mababang sahod, problema rin ng mga guro ang kawalan ng ibang benepisyo tulad ng special hardship allowance, hazard pay, at taunang libreng check-up.

Ayon kay Gatchalian hindi lahat ng mga probisyon ng batas ay nangangailangan ng pondo para maisakatuparan ang naturang mga layunin.

“Talagang napakalaking hamon nito pagdating sa pagbibigay ng world-class teachers’ welfare program. Kapag sinabing world-class, hindi lang naman natin tinitingnan and sweldo pero maging ang iba pang mga pangangailangan na dapat nating naibibigay sa ating mga guro,” ani Gatchalian.

 

538

Related posts

Leave a Comment