TIYAK nang makatatanggap ng dagdag na sahod ang mga government nurses sa pagpasok pa lamang ng taong 2020 o simula sa Enero.
Ito, ayon kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, ay dahil kasama sa inaprubahang P4.1 trillion 2020 national budget ng Senado ang pondo para sa dagdag sweldo ng mga nurse.
“They don’t have to wait six months or another year. By January, once we enact the GAA (General Appropriations Act) for 2020, ang salary upgrade nila is taken care of,” saad ni Lacson.
Ipinaliwanag ni Lacson na sa approval nila ng P4.1-trillion national budget, isinaalang-alang na nila ang desisyon ng Korte Suprema na kumikilala sa probisyon sa Philippine Nursing Act of 2002 na ang minimum base pay ng government nurses ay hindi bababa sa Salary Grade 15 o P30,000.
Nabatid na ang P3 bilyong pondong kailangan para sa implementasyon ng kautusan ng Korte Suprema ay magmumula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF).
Dahil dito, binigyang-diin ni Lacson na hindi na kailangan pang magpasa ng panibagong batas para sa availability ng pondo na ibibigay ng Department of Budget and Management (DBM).
237