(Ni KEVIN COLLANTES)
TARGET ng Department of Transportation (DOTr) na maisama na sa regular na biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang unang Dalian train set, na natapos na nilang isailalim sa pagsusuri, ngayong unang linggo ng Abril.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Communications Goddess Hope Oliveros Libiran, dahil tapos na ang commissioning at validation tests sa naturang train set, ay kinakailangan na lamang nilang tapusin ang ilang documentation requirements nito, bago ito tuluyang maisabak sa biyahe.
Siniguro naman ng opisyal na sa oras na matapos na ito ay maisasama na nila ang Dalian train, na may 1,182-passenger capacity, sa regular na operasyon ng MRT-3.
Tiniyak naman ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati na dahil brand new ang mga tren ay wala silang nakikitang anumang problema sa mga ito.
Tinitingnan rin aniya nila ang consistency of travel at ang pagiging malamig nito dahil bagong-bago ang air conditioning unit nito.
Una nang bumili ang nakalipas na administrasyon ng may 48 Chinese-made Dalian trains para madagdagan ang mga tumatakbong tren ng MRT-3.
Hindi naman kaagad nagamit ang mga ito dahil na rin sa isyu ng incompatibility.
Sa kasalukuyan ay tatlong set pa lamang ng Dalian trains ang naisailalim sa kinakailangang commissioning at validation tests kabilang ang 150 oras na Reliability, Availability, Maintainability and Safety (RAMS) validation run, ngunit isa pa lamang sa mga ito ang target na maidagdag sa regular na biyahe ng MRT-3.
206