Dapat nang tumugon sa hamon na hair follicle drug test PBBM NAPAPRANING – MORALES

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

PINATUTSADAHAN ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) intelligence officer Jonathan Morales si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tila napapraning na.

Bwelta ito ni Morales matapos siyang tawaging “professional liar” ni Marcos Jr. kaugnay ng kontrobersyal na ‘PDEA leaks’ na nag-uugnay sa Pangulo sa paggamit ng ilegal na droga.

Paglilinaw ni Morales, hindi niya inakusahan si Marcos Jr. kundi ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin noon. Ang nag-akusa aniya at may tunay na nalalaman sa sinasabing paggamit ng droga ng Pangulo ay ang kanyang impormante na kinunan niya ng testimonya.

“Nakakaawa ang ating Pangulo dahil wala akong natatandaan na inakusahan ko sya. Yung pagkakadawit ng kanyang pangalan ay resulta ng imbestigasyon na isinagawa ko at ito yung ni-reveal ng confidential informant,” aniya.

Dito na rin niya pinatutsadahan ang Pangulo na base sa mga ikinikilos aniya ay tila napapraning na ito.

“Alam mo pagka ganito na naghihinala siya, ganito yun tinatawag na napapraning. Nakakaawa sya dahil mukhang ito na yung epekto ng ipinagbabawal na gamot sa kanya. Pagka ganito yun kilos, yun pananalita ng ating Pangulo,” pahayag pa ni Morales sa isang panayam ng SMNI na naka-post sa X.

Sa huli, binanggit nito na mas nararapat na sundin na ni Marcos ang panawagan ng taumbayan na sumailalim siya sa isang hair follicle drug test.

Nauna rito, tinawag na “professional liar” ni Pangulong Marcos Jr. si Morales makaraang isama siya nito sa leaked confidential documents, isang pre-operation report at authority to operate, ng anti-drug agency.

Bukod dito, ikinumpara pa ng Pangulo si Morales sa isang jukebox.

”Mahirap naman bigyan ng importansya ‘yan. You know, this fellow is a professional liar at parang jukebox ‘yan. Kung anong ihulog mo — basta maghulog ka ng pera kahit anong kantang gusto mo, kakantahin niya. Kaya wala, wala… Walang saysay. Tingnan mo na lang ang kanyang record,” ayon sa Pangulo.

”Tingnan mo na lang ang kanyang — may kaso siya na false testimony. Iyan ganyan. Ilan bang mga… Marami siyang history na kung sino-sino sinasangkot kung saan-saan. Parang ‘yun ang — doon siya… Iyon ang hanapbuhay yata niya, kaya professional liar ang tawag ko sa kanya,” dagdag na wika nito.

Matatandaang itinanggi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo sa Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa bilang chairman, na hindi tunay ang mga dokumento, kabilang na ang pre-operation report at authority to operate.

Iginiit pa ni Lazo na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Morales, na pawang gawa-gawa lamang at walang batayan.

Sinabi pa ni Lazo na hindi dapat paniwalaan ang mga testimonya ni Morales na nagsinungaling nang itago nito na siya ay sinibak ng Philippine National Police (PNP) nang pumasok ito sa PDEA.

40

Related posts

Leave a Comment