DATABASE NG PNP TINANGKANG PASUKIN NG HACKERS

SA utos ni Philippine National Police chief, General Rommel Francisco Marbil, tuloy-tuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group hinggil sa napaulat na tangkang pag-hack sa database ng pambansang pulisya.

Nabatid na hindi nilulubayan ng cyber forensic experts ng PNP-ACG ang pagsisiyasat sa insidente ng umano’y hacking sa logistics, data, information, and management system ng PNP.

Inihayag ni PNP Public Information Office chief, P/Col. Jean Fajardo, hawak na ng Anti-Cybercrime Group ang records ng mga posibleng pumasok o nag-log in sa server at kasalukuyan nang isinasailalim sa masusing pagsusuri.

Kinalma naman ng PNP ang publiko dahil base na rin sa kanilang naunang assessment ay lumilitaw na maayos at nasa good running condition ang kanilang system.

Nilinaw pa ng pamunuan na nananatili pa ring naka-shutdown ang system upang bigyang daan ang mas malalim na pagsusuri ng kanilang cyber response team.

Sinasabing sa kasalukuyan ay wala pa impormasyon kung naapektuhan ang logistics, data, information, and management system ng PNP. (JESSE KABEL RUIZ)

21

Related posts

Leave a Comment