‘DAVAO BOYS’ GIGISAHIN SA 100 PATAY SA QC DRUG WAR

IPINATAWAG ng House Committee on Human Rights ang tinaguriang “Davao Boys” na idineploy sa Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), na inakusahang nasa likod ng madugong war on drugs sa kanilang nasasakupang lugar sa lungsod.

Sa mosyon ni ACT Party-list Rep. France Castro, inaprubahan ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., chairman ng nasabing komite, ang pagpapatawag sa grupo ni Col. Lito Patay na idineploy sa nasabing istasyon ng pulisya sa unang buwan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Patay, dating nakatalaga sa Tagum City Police Station sa Davao del Norte, ay dinala sa QCPD Station 6, kasama ang walong tauhan mula sa nasabing lalawigan kung saan sa halos isang taong assignment ng mga ito sa Quezon City, ay mahigit 100 umano ang napatay sa kanilang police operations.

Dahil sa rami ng napatay sa lugar na sakop ng Station 6, kasama ang Payatas Area, nakasama ito sa listahang ng ‘madugong war on drugs’ at naging sentro ito ng imbestigasyon ng international news organization na Reuters.

Ayon kay Castro, mahalagang dumalo ang mga tauhan ni Patay para maimbestigahan, dahil lahat ng kanilang operasyon ay napatay ang kanilang mga ino-operate na pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga. (BERNARD TAGUINOD)

50

Related posts

Leave a Comment