PAGBABA NG TARIPA SA BIGAS IKINABAHALA NG ILANG SENADOR

NAGPAHAYAG ng kani-kanyang pangamba ang ilang senador sa pagpayag ni Pangulong Bongbong Marcos na ibaba ang taripa o buwis sa imported na bigas sa labinlimang porsyento mula sa dating tatlumpu’t limang porsyento.

Para sa chairperson ng Senate committee on agriculture na si Senator Cynthia Villar, hindi na magkakaroon ng sapat na pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF dahil sa pagbaba ng taripa.

Malaking tulong sana anya ang makukuhang pondo para sa ayuda sa mga magsasaka na mayroong dalawang ektarya pababa na lupaing sinasaka.

Inilabas naman ni Senator Risa Hontiveros ang pag-aalala ng mga lokal na magsasaka at mga nagsu-suplay ng bigas sa mga talipapa, palengke at supermarkets sa posibilidad na pagdagsa lalo ng mga imported na bigas na papatay sa kanilang kabuhayan.

Bagama’t magandang hakbang ang pagpapababa sa taripa, naniniwala si Senator Joel Villanueva na dapat pag-aralan pa itong mabuti upang mabatid kung nararapat nga itong ipatupad sa bansa.

Ayon sa senador, mas dapat pagtuunan ng pansin ng economic managers ang pangmatagalang solusyon sa problema sa suplay ng pagkain kaysa sa band aid solutions tulad ng pagpapababa sa taripa.

Dapat anyang inintindi rin ng economic managers ang datos mula sa Department of Agriculture (DA) na nasa P6.35 bilyon na ang lugi ng agricultural sector nitong Hunyo dahil sa El Nino.

Pinakaapektado nito ang produksyon ng palay na umaabot na sa P3.3 bilyon ang pagkalugi. (DANG SAMSON-GARCIA)

48

Related posts

Leave a Comment