DEADLY FERRY FIRE SA BASILAN PINASISILIP SA KAMARA

PAIIMBESTIGAHAN sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagkasunog ng M/V Lady Mary Joy 3 na ikinamatay ng mahigit 30 pasahero noong Marso 29, sa bahagi ng Basilan.

Ayon kay Basilan Rep. Mujiv Hataman, nakatakda itong maghain ng resolusyon para paimbestigahan sa mga kaukulang komite sa Kamara ang puno’t dulo ng sunog habang naglalayag ang ferry mula Zamboanga City patungong Sulu.

“Nais nating malaman kung ano ba ang pinagmulan ng trahedyang ito. Saan nagsimula ang sunog? Sino o ano ang responsable? Bakit hindi naagapan? Bakit kulang sa response ang mga kawani ng barko? Seaworthy ba ang ferry? At bakit umabot sa lagpas tatlumpo ang namatay?” ani Hataman.

Layon ng imbestigahan na malaman kung hindi pa rin sapat ang mga batas at regulasyon ukol sa mga pampasaherong barko para proteksyunan ang mga pasahero.

Base sa mga inisyal na report, habang naglalayag ang barko ay nagkaroon umano ng sunog sa second deck habang nasa bahagi ng Hadji Muhtamad, Basilan.

Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy (PN), Bureau of Fire Protection (BFP) at local government.

Aalamin din kung bakit magkaiba ang manifesto ng Aleson Shipping Lines, may ari ng nasunog na barko, sa report ng PCG ukol sa dami ng pasahero.(BERNARD TAGUINOD)

324

Related posts

Leave a Comment